Ang tulang mababasa niyo ay naglalaman ng maraming emosyon. Isa itong halimbawa ng madamdaming tula.
Sa Lahat ng Panahon
Sa isang matandang puno ng mangga
Iginuhit natin ang pangako sa isa't isa.
Ang pangakong hihintayin ko ang pagbabalik mo sinta
Pangako mo naman ay dito tayo magkikita.
Sa tag-araw ay hitik sa bunga itong mangga.
Marami ang gustong pumitas at kumuha
Gaya ng puso ko na gustong angkinin ng iba.
Ngunit ang katapatan ko'y sayo lang walang pagdududa.
Sa pangkaraniwang araw, ang puno ay isang pahingahan.
Sa lilim nitong binibigay ay tiyak na may kaginhawaan.
Tulad ito ng papel mo sa pamilyang iyong iniwan
Taga- pagbigay ng ginhawa at pagkain sa hapag kainan.
Lumipas na ang panahon at nalagas na ang mga dahon
Kagaya ng puso kong nawawalan na ng emosyon.
Ang araw-araw na wala ka ay isang hamon
Kaya itong pangungulila ay nauwi sa depresyon.
Ang puno ay muling namulaklak at namunga
Kasabay ng pagbabalik ng aking sigla
Naguumapaw ang naramdaman kong saya
Nadinig ko ang tinig mo sa kabilang linya.
Nayanig ang mundo ko nang humagupit ang malakas na bagyo
Ang akala ko'y dito na matatapos ang aking pangako.
Pag mulat ng aking mata isang dagat ang aking nakita
Pero mas ikinagulat ko ang sumunod na eksena
Nanatiling nakatayo ang punong mangga
Tila hinihintay ang ating pagkikita
Binigyan ako nito ng bagong pag-asa
Na sa tamang panahon ikaw ay muling makakasama.
Lumipas ang maraming taon
Hinihintay pa tin kita tuwing dapit-hapon
Di ko na yata mahihintay ang tamang pagkakataon
Huwag sana akong lamunin ng takot at tensiyon.
Isang araw habang ang puno'y aking minamasdan
Isang pamilyar na mukha ang papalapit saking kinaroroonan.
Ang mukha niya ay tila pinatanda ng kahirapan
May mga sugat at pasa din ang ilang bahagi ng katawan.
Hindi ako maaring magkamali, ang nakikita ko ay ang aking mahal
Ang kaniyang lakad ay mahina at sadyang mabagal
Sa tingin ko siya ay napilay.
Buti na lamang ay may dala siyang saklay.
Magkahalong lungkot at saya itong nadama
Ngunit ang mahalaga ang pangako natin ay natupad na.
Tunay nga na ang pag-ibig ay marunong magtiwala, maghintay, umasa at hindi nagsasawa.
No comments:
Post a Comment